ISINASALAYSAY ng biyuda ni Domingo Ramirez, Jr., aka A1, kay Alab ng Mamamahayag (ALAM) national chairman Jerry Yap kung paano pinaslang ang kanyang asawa ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanilang bahay nitong Linggo (Mayo 26) ng madaling araw sa Baseco Compound, Port Area, Maynila. Si Ramirez ay kilalang lider sa kanilang komunidad at nagpaplanong tumakbo bilang barangay chairman sa darating na Oktubre upang higit pang makatulong sa kanyang mga kalugar. Naglaan ng P.1-M ang ALAM para sa ikadarakip ng suspek.
KASABAY ng pagdalaw sa burol ng pinaslang na Alab ng Mamamahayag (ALAM) coordinator na si Domingo Ramirez, Jr., aka A1, inialok ni national chairman Jerry Yap ang halagang P100,000 para sa makapagtuturo sa pumatay sa biktima.
Kahapon, nagtungo si Yap, kasama ang iba pang opisyal ng ALAM sa burol ni Ramirez para personal na ipaabot ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng biktima.
Magugunitang si A1 ay pinaslang nitong Linggo ng madaling araw sa harap mismo ng kanilang bahay sa BASECO Compound, Port Area, Maynila ng hindi pa nakikilalang mga salarin.
Nakatalikod at nakaupo sa gutter ng kalye si Ramirez nang barilin sa batok ng suspek na backride ng isang motorsiklo.
Humarap si Ramirez para hanapin kung sino ang bumaril sa kanya pero muli siya pinaputukan ng dalawang beses na nasalag ng kanyang kanang kamay.
Pahiga umanong natumba ang biktima at sa pagkakataong iyon ay tatlong beses pa siyang pinaputukan sa dibdib ng suspek, at isa pa sa hita.
Itinakbo sa Mother and Child Hospital sa Binondo, Maynila si Ramirez ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa biyuda ni A1, alas-4:00 ng madaling araw nang magising ang kanyang mister nang araw na iyon na hindi niya madalas gawin.
Pero gaya nang dati, kapag nagigising siya, nagpupunas muna ng langis ng El Shaddai saka pupunta sa harap ng kanilang bahay.
Paglabas ay agad niyang tiningnan ang kanyang bantay sa pwesto ng tindahan ng krudo saka umupo sa kantong gutter ng kalsada.
Sa pagkakataong iyon, nilapitan siya ng suspek na nakasakay sa motor.
Kaugnay nito, inihayag ni ALAM national chairman ang iniaalok niyang pabuya para sa sino mang makapagtuturo ng pumaslang kay Ramirez.
Si Ramirez, retiradong kagawad ng Philippine Coast Guard (PCG) ay kilalang lider ng komunidad sa BASECO at sa loob ng 23 taon paninirahan sa nasabing lugar ay wala siyang pinangarap kundi ang katahimikan at kapayaan sa kanilang komunidad.
Ang BASECO ay isang komunidad sa pantalan ng Maynila na dinayo ng informal settlers na sinabing takbuhan ng snatchers, holdapers at iba pang masasamang elemento.
Isa si A1 sa mga nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maestabilisa ang peace and order sa kanilang barangay.
Bahagi ng kanyang pangarap para sa ikaaayos ng komunidad ng BASECO ay tumakbong chairman ng barangay sa darating na Oktubre.
Naniniwala ang kanyang pamilya, ang komunidad at ang ALAM na ang pagpaslang kay A1 ay may kinalaman sa nilalakad niyang implementasyon ng Dismissal Order ng Ombudsman laban sa isang barangay official.
Ayon kay ALAM national chairman Yap, “sana ay makatulong sa maagang pagkakadakip sa pumaslang kay A1 ang iniaalok natingP100,000 patong sa ulo suspek.”
(HNT)c/o Thess Q. Angeles
No comments:
Post a Comment